Aminado ang pamahalaan na malabo ng maabot ng bansa ang herd immunity laban sa COVID-19 sa katapusan ng 2021.
Ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., bigong maabot ng bansa ang target na 77 milyong Pilipino na mabakunahan kontra COVID-19.
Gayunman, posibleng maabot pa rin aniya ang 50 porsyento ng target na bilang kung magagawa na mabakunahan ang 600,000 hanggang 800,000 indibidwal kada araw.
“Nakita natin kapag tumaas po iyong ating vaccination, kasi ang target po natin is magkaroon po tayo ng 600-800,000 per day, nakikita po namin na baka maabot po namin iyong 50 to 58—50% maaabot po natin. Pero kapag once na gumanda po iyong ating vaccination, talagang medyo makuha niya iyong one million or even more, makakaya po natin 60% to70%. Pero realistically, ang nakikita namin based doon sa computations namin na talagang more or less ang pinaka-achievable natin is iyong 50%.” ani Galvez
Sa ngayon, 350,000 hanggang 400,000 doses lamang kada araw ang naituturok na bakuna sa bansa.
Habang nasa 77.4 million doses na ng COVID-19 vaccine ang dumating sa bansa at 46.3 milyon na ang naiturok.