Tiniyak ng Malacañang na ipapaabot ang P1 million financial assistance sa pamilya ng nurse sa Cainta, Rizal na namatay sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pinamamadali na ang paglalabas ng cash aid sa pamilya ni Maria Theresa Cruz, isang nurse sa Cainta Municipal Hospital.
Aniya, ang cash assistance ay nakamandato sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Nagpaabot din si Roque ng pakikiramay sa pamilya.
Nanawagan si Roque ng pagsasagawa ng survey sa mga lokal na ospital hinggil sa pagtalima nila sa paglalabas ng hazard pay.
Sinabi rin ni Roque na walang pananagutan si Cainta Mayor Kit Nieto sa mababang hazard pay at mabagal na paglalabas nito.
Nabatid na nag-viral ang istorya ni Cruz sa social media matapos sabihin ng kaniyang anak na namatay siya sa COVID-19 bago niya matanggap ang kaniyang hazard pay na nagkakahalaga lamang ng 7,000 pesos sa halip na 30,000 pesos.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nagsasagawa na ng imbestigasyon sa kaso ni Cruz.