Naniniwala ang isang infectious disease expert na ang kakulangan sa supply ng COVID-19 vaccine ang dahilan kung bakit imbes na herd immunity ay population protection ang target makamit ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, miyembro ng vaccine experts panel, ang pag-abot sa population protection ang pinaka-epektibong paraan para magamit ang lahat ng available vaccine doses.
Aniya, nasa 70 hanggang 80 percent ng populasyon ang kailangang mabakunahan kung kailangang maabot ang herd immunity.
“If we vaccinate 70% to 80% of our population, we will achieve herd immunity. Mas maganda pa kung mas mataas pa riyan. Dahil sa limited nating supply ng bakuna ngayon, pumunta tayo sa population protection, which is the protection of population which are high risk for hospitalization and high risk for death,” sabi ni Solante.
Kailangang iprayoridad sa pagbabakuna ang mga health workers, senior citizens, at persons with comorbidities para hindi umapaw ng mga pasyente ang mga ospital.
“Ang target talaga ng gobyerno natin in the soonest possible time na makakuha tayo ng bakuna, lahat dapat mabakunahan in a short period of time,” ani Solante.
Gayumpaman, tiniyak ni Solante na nananatili pa ring target ng pamahalaan na maabot ang herd immunity.