Saturday, February 28, 2026

Pag-abot sa siyam na araw bago natagpuan ang lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, patunay na dapat magpatupad ng modernisasyon sa Philippine Coast Guard

Iginiit ni Basilan Rep. Ustadz Yusop Alano sa gobyerno na iprayoridad ang agarang pagpapatupad ng komprehensibong modernisasyon sa Philippine Coast Guard (PCG), lalo na sa pagbili ng high-speed assets, aerial support, at iba pang importanteng kagamitan.

Panawagan ito ni Alano makaraang lumabas sa pagdinig ng House Committee on Transportation na inabot ng siyam na araw bago natagpuan ng mga tauhan ng PCG ang eksaktong lokasyon ng lumubog na barko.

Nabatid sa pagdinig na naharap sa technical constraints ang mga tauhan ng PCG dahil sa kakulangan ng mga kailangang kagamitan tulad ng side-scanning sonar at tri-mix gas equipment na kailangan sa malalimang pagsisid sa karagatan.

Pinuna rin ni Alano ang kawalan ng PCG ng basic recovery and detection tools na dapat ay available o naka-standby sa bawat rehiyon.

Diin ni Alano, napakahalaga ng oras dahil buhay ang nakasasalalay sa pagkaantala ng pagresponde sa ganitong mga aksidente sa karagatan.

Facebook Comments