Pag-abswelto kay Datu Akmad Ampatuan sa Maguindanao massacre, pinagtibay ng SC

Pinagtibay ng Korte Suprema ang pag-absuwelto kay Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr. na kinasuhan noon ng 58 counts of murder kaugnay sa Maguindanao massacre noong 2009.

Batay sa sampung pahinang desisyon, sinabi ng Supreme Court (SC) na tama ang naging pasya ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals na iabswelto si Ampatuan.

Bagama’t alam umano ni Datu Akmad ang planong pagpatay at pumunta pa siya sa ilang pulong bago nangyari ang krimen, kulang ang ebidensya para ipakita na may ginawa siyang aktwal na hakbang para makiisa sa sabwatan.

Nag-ugat ito sa pagdalo niya sa mga meeting bago mangyari ang massacre kung saan natalakay ang plano pero wala siya nang isagawa ito.

Dahil dito, binigyang-diin ng RTC na ang simpleng presensya at pagsang-ayon ay hindi sapat para sabihing nakisabwatan siya, dahilan upang maabswelto sa lahat ng kaso.

Umapela pa ang Office of the Solicitor General sa Court of Appeals at Korte Suprema, pero parehong korte ang nagsabing hindi sapat ang salita lang at kailangan may aktwal na kilos para masabing kasabwat.

Facebook Comments