Labis na nadismaya si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa pag-abswelto kay retired Army Major General Jovito Palparan sa kasong may kaugnayan sa umano’y pagdukot at pagtorture sa mga magsasakang sina Raymond at Reynaldo Manalo.
Para kay Castro, ang paglusot ni Palparan sa pananagutan ay maghahatid ng pagdududa sa kakayahan ng ating justice system na papanagutin ang mga lumalabag sa karapatang pantao.
Nangangamba si Castro na ito ay magpahiwatig ng mensahe na maaring makaiwas sa kaparusahan ang mga gumagawa ng krimen laban sa mga inosenteng sibilyan.
Ikina-alarma pa ni Castro na ang pag-abswelto kay Palparan ay nataon sa gitna ng mga nangyayaring red tagging at terrorist labelling, pamamayagpag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at isyu sa confidential and intelligence funds.