
Binatikos ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang pagpapawalang-sala ng Sandiganbayan Third Division kina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating nyang chief of staff na si Atty. Gigi Reyes, at Janet Lim-Napoles sa 15 counts ng graft cases kaugnay sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Diin ni Elago, ito ang mukha ng bulok na hustisya sa Pilipinas kung saan nakakawala sa pananagutan ang mga makapangyarihan.
Ayon kay Elago, ang hatol ng Sandiganbayan ay mensahe sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan na maghintay lang ng ilang taon at makalulusot rin sila.
Giit ni Elago, walang pinagkaiba ang PDAF scam noon sa flood control scam ngayon na parehong sistema ng katiwalian at parehong uri ng pandarambong.
Kaya naman hinihikayat ni Elago ang mamamayan na huwag manahimik at patuloy na palawakin ang mga susunod na kilos-protesta laban sa matinding korapsyon sa ating bansa.









