Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng korte na nagpapa-walang sala kay PSupt. Rafael Dumlao III kaugnay sa pagkamatay ng Korean national na si Jee Ick Joo.
Sa desisyon ni Associate Justice Calpatura, kinatigan ng Court of Appeals’ Thirteenth Division ang inihaing petition for certiorari na layong ipawalang bisa ang joint decision ng Angeles City, Branch 60 Regional Trial Court na nag-aabswelto kay Dumlao.
Si Dumlao ang itinuturong mastermind o nasa likod ng pagdukot at pagpaslang sa Korean national at pag-detine rin sa kasambahay nito.
Kinasuhan din ang iba pang kasamahan nito ng kidnapping with homicide na sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Jerry Omlang at Gerardo Santiago pero na-abswelto si Dumlao.
Ayon sa Appellate Court, nagkaroon ng abuse of discretion ang RTC sa pag-abswelto kay Dumlao kahit na may mga ebidensiya.
Hinatulan ng reclusion perpetua na walang parole si Dumlao bukod pa sa babayaran nitong P350,000 sa kidnapping with homicide; reclusion perpetua at P225,000 naman sa kasong kidnapping and serious illegal detention at 30 hanggang 35 na taong kulong para sa carnapping.
Kung maaalala, dinukot ang Korean national at ang kasambahay nito sa kaniyang tinitirhan sa Angeles City noong October 18, 2016 para umano magsagawa ng anti-drug operation.
Pinaslang si Jee Ick Joo sa loob ng van na nakaparada sa loob mismo ng PNP headquarters sa Camp Crame kung saan sinunog at tinapon sa inodoro ang kaniyang mga labi sa isang punerarya sa Caloocan City.