
Iginagalang ng Malacañang ang desisyon ng Sandiganbayan na absweltohin sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating chief of staff Gigi Reyes, at Janet Lim-Napoles sa kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, nagsalita na ang korte at nararapat lamang na igalang ang desisyon ng mga mahistrado.
Paalala rin aniya ito na dapat tiyaking matibay, kumpleto, at maayos ang mga ebidensya bago isampa ang anumang kaso para hindi bumabagsak sa kakulangan ng ebidensya ang mga kaso laban sa mga inaakusahan.
Kasunod ito ng posibleng pagdududa ng publiko sa integridad ng justice system, lalo’t tila walang napapanagot sa mga malalaking isyu ng korapsyon gaya ng pork barrel scam.
Giit ng Palasyo, hiwalay ang kapangyarihan ng Ehekutibo at Hudikatura, at hindi maaaring pakialaman ng Malacañang ang mga desisyon ng korte.
Babala pa ni Castro, maaaring magulo ang lipunan kung hindi igagalang ang hatol ng mga hukuman.









