Pag-abuso sa paggamit ng “wang-wang” babantayan muli ng PNP

Manila, Philippines – Muling binuhay ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa mga hindi otorisadong paggamit ng sirena o “wang-wang” pati na rin ng blinkers sa mga lansangan.

Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac, ipinag-utos na ni PNP Chief Oscar Albayalde sa Highway Patrol Group (HPG) ang mas mahigpit na paghuli sa mga motorista na pasaway sa paggamit ng ipinagbabawal na wang-wang at blinkers.

Bukod sa ilegal na wang-wang at sirena, mahigpit rin aniyang ipinagbabawal ang pagbusina at iba pang gadget na gumagawa ng alarma.


Sabi ni Banac, pwedeng ma-revoke ang Certificate of Registration ng isang sasakyan na mayroong iligal na accessories.

Nagpaalala rin ang PNP sa mga kandidato at partido na makipag-ugnayan sa kanila at Local Government Unit o LGU bago magsagawa ng malakihang motorcade para sa kampanya.

Dagdag ni Banac, kailangang isa-alang-alang ng mga kandidato ang pagsunod sa road safety protocol sa kanilang pangangampaniya.

Facebook Comments