Pag-access ng opisina ni Sen. Marcoleta sa mga dokumento na may lagda ng abogado na nag-notaryo sa affidavit ni Orly Guteza, pinayagan ng korte

Pinayagan ng korte na ma-access ang mga dokumento na may pirma ng abogado na nag-notaryo sa sinumpaang salaysay ni dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa paghahatid niya umano ng male-maletang pera sa bahay nina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.

Sa budget hearing ng judiciary, inireklamo ni Senator Rodante Marcoleta na hindi pinayagan ng executive judge ng Manila RTC ang mga staff niya na silipin ang mga dokumento para maikumpara ang lagda ni Atty. Petchie Rose Espera sa affidavit ni Guteza.

Sa halip ay tila si Guteza pa aniya ang lumalabas na may kasalanan at sinasabing peke ang kanyang notaryo sa affidavit.

Sinabi pa ni Marcoleta na malaki rin ang tsansang hindi talaga pirma ng nagnotaryo ang nasa dokumento at maaaring nag-utos lamang ang abogado dahilan kaya nais nilang humingi ng sample ng lagda sa notarial book para maikumpara ang pagkakahawig o pagkakaiba nito.

Ayon naman kay Senator Kiko Pangilinan, na siyang sponsor at dumidepensa sa budget ng hudikatura, papayagan na ang opisina ni Marcoleta na ma-access ang lahat ng records kaakibat na naririyan ang clerk of court para magsupervise ang pagsilip nila sa mga dokumento.

Nagpaliwanag naman si Pangilinan na ang paglimita ng executive judge sa staff ng senador sa pagsilip sa mga dokumento ay dahil nag-iingat lamang ito.

Facebook Comments