Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Department of Health (DOH) na pabilisin ang accreditation ng mga laboratoryo para sa COVID-19 testing.
Ito ay sa harap ng mga ulat na maraming repatriated Filipinos ang hindi makauwi dahil sa hindi naipoprosesong resulta.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakausap niya ang ilang stakeholders na nagsasabing ang matagal na pagbibigay ng lisensya sa mga laboratoryo ang nagpapa-antala sa pagpoproseso ng libu-libong swab samples ng mga repatriates.
Dapat na aniyang tapikin para tumulong sa accreditation ang pribadong sektor at educational institutions tulad ng University of the Philippines (UP).
Bukod dito, binigyang diin din ni Robredo ang pagkakaroon ng mass testing para sa posibleng pagpapaluwag ng quarantine restrictions pagkatapos ng May 31, 2020.
Humingi na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng pasensya at pang-unawa sa mga repatriates habang hinihintay ang kanilang test results.
Sa ngayon, nakapag-accredit na ang DOH ng nasa 34 Polymerase Chain Reaction (PCR) laboratories at walong GeneXpert laboratories.
Nasa 272,255 na ang na-test para sa COVID-19.