Isinusulong na ng pamahalaan ang pag-adapt ng mga Pilipino sa “new normal” kasabay ng pagpatag o flattening ng COVID-19 curve sa bansa.
Ito ang tugon ng National Task Force Against COVID-19 sa pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mataas ang tiyansang maibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. kailangang mamuhay ang mga tao kasama ang virus sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards.
Sinabi ni Galvez na mayroong mga adjustment na kailangang gawin bago ibaba ang quarantine restrictions sa Metro Manila.
Kabilang na rito ang pagdadagdag ng isolation beds at Intensive Care Unit (ICU) rooms sakaling tumaas muli ang kaso.
Mahalaga rin aniyang mapalakas ang testing capacity para matukoy ang mga kaso at mai-isolate ang mga ito sa mga komunidad at maiwasan ang local transmission ng virus.
Patuloy rin ang pag-hire ng healthcare workers bilang additional manpower sa medical frontlines.