Pinangangambahan ng Office of Civil Defense (OCD) ang posibilidad nang pag-agos ng lahar mula sa Bulkang Mayon dahil sa pag-uulan na dulot ng Bagyong Kristine.
Ayon kay OCD Region V Director Claudio Yucot, isa ito sa mga worst case scenarios na nakikita ng pamahalaan.
Ani Yucot, kinakailangan ng hindi bababa sa 60 mm ng ulan kada oras para magsimula ang pagdaloy ng lahar mula sa bulkan patungo sa mga komunidad.
Kapag nagpatuloy aniya ang malalakas na pag-ulan, pinangangambahang maaaring umagos ang lahar.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) hinggil sa posibilidad ng lahar na makakaapekto sa middle at lower slopes, at downstream areas.
Kasunod nito, hinihikayat ng PHIVOLCS ang mga komunidad sa pre-determined lahar risk zones na maging alerto.