Bineberipika pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na ang Islamic State militants ang nasa likod nang pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi kahapon ng umaga kung 4 na ang kumpirmadong nasawi habang hindi naman bababa sa 50 ang sugatan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad tinitignan din nila ang posibleng pagkakasangkot ng Daula-Islamiya- Maute Terror Group sa insidente.
Ani Trinidad, nakikipagtulungan ang militar sa Philippine National Police (PNP) para matukoy ang bomb signature na makakatulong sa pagtukoy ng mga responsable sa pagpapasabog.
Sinabi pa nito na naka-heightened alert na ang AFP para masiguro ang kaligtasan ng publiko at mapabilis ang pag-neutralisa sa mga salarin.
Binigyang diin din ni Trinidad na committed ang AFP sa kanilang mandato na pangalagaan ang mamamayan at estado mula sa lahat ng lokal at dayuhang banta.