Malaking palaisipan para kay Senate President Chiz Escudero kung paano ang gagawin sa ginawang pag-ako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa mga nangyaring patayan sa ilalim ng war on drugs.
Sa pulong balitaan, kinwestyon ni Escudero ang proseso kung paano i-operationalize ang pag-amin at pag-ako ni Duterte ng responsibilidad sa mga extrajudicial killings ng drug war.
Ipinunto ni Escudero na sa tinagal-tagal ng panahon at sa dalawang taon mahigit na panunungkulan ng Marcos administration ay wala namang kaso si Duterte maging ang mga dating Philippine National Police (PNP) Chief at mga dating naging hepe ng Davao City Police.
Sa tingin ng Senate president, ginawa ni dating Pangulong Duterte ang pag-ako ng responsibilidad dahil sa hinaba ng panahon ay mga mabababang pulis ang nakakulong at tinanggal sa serbisyo gayong sumunod lamang sila sa utos.
Iginiit naman ni Escudero na hindi para sa kanya na sabihing sapat na para kasuhan ang dating pangulo at mas ipauubaya na lamang niya ito sa mga abogadong nais magsampa ng kaso.
Hihintayin na lamang din niya ang ilalabas na transcript ng Senado mamaya upang matimbang ng buo at kumpleto ang nangyaring pagdinig kahapon at balak nilang isapubliko ang transcript na ito.