Iginiit ngayon ni Albay Rep. Edcel Lagman na walang ibang solusyon sa problema ng ABS-CBN kundi ang aksyunan ng Kongreso ang kanilang application para sa franchise renewal.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Lagman na ang iginigiit ng liderato ng Kamara na pagbibigay ng provisional authority sa broadcast network ng National Telecommunications Commission (NTC) ay taliwas sa batas at jurisprudence.
Malinaw aniya ito sa Section 16 ng Republic Act 7925 kung saan nakasaad na walang sinuman ang maaaring makapagsagawa ng negosyo bilang public telecommunications entity nang walang prangkisa.
Iginiit naman sa interview ng RMN Manila ni Senator Franklin Drilon na malinaw na inabuso ng NTC ang kanilang kapangyarihan at hindi inirespeto ang dalawang kapulungan ng Kongreso matapos na hindi kilalanin ang ipinasang resolusyon para sa pagpapalabas ng provisional authority para maituloy ang operasyon ng ABS-CBN.
Una nang nilinaw sa interview ng RMN Manila ni Department of Justice Usec. Markk Perete na ang korte pa rin ang magde-desisyon sa legal right ng ABS-CBN pagdating sa usapin ng provisional authority.
Ayon kay Perete, ang ipinalabas na pahayag ni DOJ Sec. Menardo guevarra sa NTC ay tanging legal advice lamang at hindi nangangahulugan na ito na ang susundin ng komisyon.
Una nang tinukoy ang kaso ng Associated Communications and Wireless Services United Broadcasting Networks laban sa NTC, kung saan sinabi ng Korte Suprema na hanggang hindi nababago ang batas, ang requirement na franchise to operate sa istasyon ng telebisyon ay kailangang manaig.