
Umaasa si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na gagawing New Year’s resolution ni Pangulong Bongbong Marcos ang pag-aksyon para agad maipasa ang mga mahalagang panukalang batas laban sa katiwalian.
Pangunahing tinukoy ni De Lima ang panukalang paglikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption Bill na hinihiling niya at iba pang kongresista kay PBBM na sertipikahang urgent.
Binanggit din ni De Lima ang panukalang Anti-Political Dynasty Law, at Anti-Illicit Enrichment and Anti-Illicit Transfer Law.
Ayon kay De Lima, kung hindi ito maisasakatuparan ay maisasama na si Pangulong Marcos sa pananagutin ng mga Pilipino.
Diin pa ni De Lima, kung patuloy na babalewalain ni President Marcos ang panukala ay maihahalintulad ito sa isang substandard na paputok na nagpasabog pero supot o bitin at may sablay.









