PAG-ALALA | August 16, pinapadeklara bilang araw ng pag-alala sa mga biktima ng EJK

Manila, Philippines – Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution Number 848 na humihiling na ideklara ang August 16 bilang “National Day of Remembrance” para sa lahat ng biktima umano ng Extra Judicial Killings o EJK.

Pangunahing tinukoy ni Hontiveros ang 17-taong gulang na si Kian Delos Santos na napatay sa isang anti-drug operation sa Caloocan City, isang taon na ang nakalilipas.

At bilang paggunita sa unang death anniversary ni Delos Santos ay pangungunahan ni Hontiveros ang unveiling ng Kian Memorial Marker mamayang alas-5:30 ng hapon sa San Roque Cathedral, Poblacion, Caloocan City.


Sabi naman ni Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan, katawa-tawa at kalunos-lunos na matapos ang isang taon mula ng mapatay si Kian ay meron pang P6.8 bilyong halaga ng shabu ang nakalusot na naman sa Bureau of Customs (BOC).

Paalala ni Pangilinan, hindi pa rin napaparusahan ang mga may sala sa naunang 6.4-bilyong shabu smuggling noong nakaraang taon.

Para naman kay Senator Bam Aquino, ang kawalan pa rin ng katarungan para kay Kian ay patunay ng mabagal na galaw ng hustisya sa bansa.

Diin naman ni Senator Leila De Lima, ang pagpaslang kay Kian ay patunay ng karahasan at kapalpakan ng war on drugs ng Administrasyong Duterte.

Facebook Comments