PAG-ALALA | Mga namatay sa giyera sa Marawi, binigyang-pugay sa unang taong anibersaryo ng Marawi siege

Marawi City – Binigyang-pugay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang mga tropa nito na namatay sa kasagsagan ng digmaan sa Marawi City, kasabay ng paggunita ng unang taon ng pag-atake ng teroristang Maute-ISIS Group.

Isang wreath laying ceremony o pag-aalay ng mga bulaklak at gun salute ang ginawa sa loob ng 103rd brigade sa Kampo Ranao na pinangungunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at iba pang mga matataas na opisyal ng AFP at ng PNP.

Umabot sa 165 na mga sundalo at pulis ang nagbuwis ng kanilang buhay sa limang buwang labanan upang makuha ang Marawi City mula sa pagkontrola ng ISIS-inspired Maute Group.


Isang commemorative marker ang itinayo sa loob ng Kampo Ranao upang maging palatandaan ng ginawang sakripisyo ng mga tropa ng gobyerno.

Kung matatandaan, ang Deputy Chief Of Police ng Marawi City Police Station na si Inspector Edwin Placido ang isa sa mga naunang namatay ng umatake ang mga terorista sa police station nang sunugin ito.

Tumatak din ang kwento ni Private First Class Dhan Ryan Bayot ng 51st Infantry Battalion, Philippine Army, nang hiniling niyang bombahin ang kanyang kinaroroonan upang kasamang mamatay sa maraming kalaban na nakapaligid sa kanya.

Facebook Comments