Friday, January 30, 2026

Pag-alis kay Sen. Marcos sa Committee on Foreign Relations, walang kinalaman sa posisyon nito sa China issue

Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na ang pag-alis kay Senator Imee Marcos bilang chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations ay walang kinalaman sa hindi niya paglagda sa resolusyon ng Senado na kumukundena sa pambabatikos ng Chinese Embassy sa ilang opisyal ng pamahalaan.

Paliwanag ni Sotto, itinuturing na major committee ang foreign relations kaya nakalaan ito para sa isang miyembro ng mayorya.

Aniya, nang magsimula ang 20th Congress ay napunta ang nasabing komite kay Sen. Marcos dahil kabilang pa siya noon sa majority bloc. Ngunit nang magpalit ang liderato ng Senado at mapunta siya sa minorya, hindi pa agad inalis sa kanya ang committee chairmanship.

Dagdag ni Sotto, umasa pa ang mayorya na madadagdagan ang kanilang bilang o kaya ay lilipat sa majority bloc si Sen. Marcos kaya hindi muna binawi ang posisyon.

Wala rin aniyang opisyal na pahayag noon na may lilipat mula sa minorya patungong mayorya, bagama’t may mga pabirong pahiwatig umano si Sen. Marcos, pati na sina Senators Bong Go at Robinhood Padilla, na posibleng lumipat sila sa majority bloc.

Binigyang-diin ni Sotto na walang kinalaman ang paninindigan ni Sen. Imee Marcos sa usapin ng China sa naging desisyon ng mayorya na palitan siya bilang chair ng Senate Committee on Foreign Relations.

Facebook Comments