
Naniniwala si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na pagpapakita ng pagiging “guilty” ang pag-alis sa bansa ng ilang mga sangkot sa anomalya ng mga flood control projects.
Kaugnay na rin ito sa isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na may ilang mga personalidad na sangkot sa ghost flood control projects ang nasa Amerika na.
Ayon kay Estrada, ang pag-alis sa bansa ng mga ito ay maituturing na pag-amin sa kasalanan na guilty sila sa katiwalian ng mga ghost flood control projects.
Samantala, para kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, mahirap husgahan agad ang pag-alis sa bansa ng mga dawit sa flood control projects.
Sa tingin ni Dela Rosa, posibleng mayroon sa mga ito ang na-ra-rattle o naguguluhan lamang at hindi alam ang gagawin at sa halip na idiin ang mga utak ng maanomalyang gawain ay mas pinili na lamang umalis ng bansa.
Kaugnay naman dito ay humiling na ang Senate Blue Ribbon Committee sa Department of Justice (DOJ) na isyuhan na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontratistang iniimbestigahan sa maanomalyang flood control projects.









