Pag-alis ng deployment ban sa Kuwait, iminungkahi ng isang kongresista

Iminungkahi ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa pamahalaan ang pagtanggal sa deployment ban sa mga Pilipinong manggagawa sa bansang Kuwait.

Suhestyon ito ni Salo, makaraang pagtibayin ng Kuwaiti Court of Appeals ang hatol laban sa pumatay kay Jullibee Ranara.

Para kay Salo, ang naturang desisyon ay nagpapakita ng commitment ng Kuwait na magawaran ng hustisya at mapangalagaan ang karapatan ng mga Overseas Filipino Workers.


Bunsod nito ay sinabi ni Salo na panahon na para hayaang makapagtrabaho muli sa Kuwait ang mga Pilipino bilang ganti rin sa hakbang ng Kuwait na panigan ang kapakanan at kaligtasan ng mga OFW.

Kaugnay nito ay nagpasalamat din si Salo kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs at mga opisyal ng Philippine Embassy na nagsikap upang mapanagot ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay kay Jullibee.

Sa tingin ni Salo, ang nabanggit na trahedya na nagdulot ng lamat sa diplomatic relationship ng Pilipinas at Kuwait ay mainam na tuldukan na ngayon upang bigyang daan ang layuning mabigyan ng employment opportunities ang ating mga kababayan habang tinitiyak ang kanilang proteksyon.

Facebook Comments