Pag-alis ng mga crew ng MV Vienna Wood, pinatitigil ng PCG

Naghain ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mosyon para pigilan ang mga crew ng MV Vienna Wood matapos mabangga ang Filipino Fishing Vessel na Liberty 5.

Sa ngayon, ang lahat ng Pilipinong tripulante ng Liberty 5 ay nawawala pa rin matapos ang 10 araw na search at retrieval operation.

Ayon kay PCG Commandant Vice Admiral George Ursabia, hindi maaaring umalis sa Pilipinas ang mga crew ng Hong Kong vessel at bumalik ng China habang nahaharap ang mga ito sa kasong kriminal.


Pagtitiyak ni Ursabia sa pamilya ng mga nawawalang mangingisda na mananatili sa kustodiya ng Pilipinas ang mga banyaga.

Tutulungan din nila ang Irma Fishing and Trading Inc., ang may-ari ng Liberty 5.

Maglalabas sila ng hold departure order laban sa mga tripulanteng Tsino ngayong linggo.

Itinanggi rin ni Ursabia na tinatago lamang sa bulk carrier ang ilan sa mga biktima.

Hindi rin aniya totoo na nangialam ang China sa kaso.

Ang PCG ay naghain ng criminal complaint para sa reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property laban sa owner, master, at officers ng Vienna Wood.

Facebook Comments