Pag-alis ng online gambling sites sa iba pang platforms, inihirit na rin ng isang senador

Ipinasasama na rin ni Senator Erwin Tulfo ang pag-alis ng mga link ng mga online gambling websites sa iba pang mga online platforms.

Ito’y matapos na iutos ng senador sa mga e-wallet apps na i-delink ang mga online gambling sites sa kanilang mga platforms.

Nababahala ang senador dahil nabatid niyang lumilipat na rin ngayon ang mga online gambling sites sa ibang mobile applications tulad ng Viber, Telegram, Lazada at iba pang applications.

Inihalimbawa ni Sen. Erwin ang advisory mula sa BingoPlus kung saan sinasabi sa mga customers nito na madali pa rin silang ma-a-access sa mga app, website at Viber at pinapayagan pa rin ang madaling pagdeposit at withdrawal via Cash at Maya.

Tinukoy din ng mambabatas na madali ring ma-access ang online gambling sa Lazada kung saan nagbebenta ng vouchers dito ang BingoPlus na gagamitin bilang credit points upang makapaglaro sa app.

Samantala, pinuri naman ni Sen. Erwin ang pagtupad ng mga e-wallet firms na sumunod sa 48 hours na ultimatum na ibinigay sa kanila para alisin sa mga apps ang link ng mga online gambling sites.

Facebook Comments