Kumpiyansa si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang pag-alis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 9-year ban sa mga bagong mining deals ay makakatulong para mabayaran ang napakalaking utang ng bansa.
Ayon kay Barbers, noong nakaraang taon pa niya pinagdarasal na maalis na ang moratorium sa pagbibigay ng bagong permit sa mga minahan.
Sinabi ng kongresista na dahil lubog na sa trilyong pisong utang ang bansa bunsod ng pandemya, ang minahan na lamang ang tanging paraan para makapagbayad ng utang ang pamahalaan.
Giit ng mambabatas, bukod sa pambayad-utang ay makakatulong din sa pagbangon ng ekonomiya ang mga malilikom na royalties, kita at buwis mula sa minahan.
Bukod kasi sa mga Business Process Outsourcing (BPO) at Overseas Filipino Workers (OFWs) ay wala nang ibang industriya ang makapagpapasok ng malaking kita sa bansa dahil karamihan sa mga sektor ay apektado ng krisis.
Iminungkahi pa ni Barbers na napapanahon na ring i-tap ang foreign mining investors ngunit kailangan munang tiyakin ng pamahalaan partikular ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na balanse at hindi ito makasisira ng kalikasan.
Sakaling maging posible ito, tataas sa 6 hanggang 10 porsyento ang magiging kontribusyon ng mining sa gross domestic product ng bansa mula sa kasalukuyang 0.6%.