Hindi na makatutulong para sa mga Pilipino at sa ekonomiya ng bansa kung magpapatuloy pa ang umiiral na lockdown sa buong Isla ng Luzon.
Ito ang binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año makaraang pawiin nito ang pangamba ng publiko hinggil sa posibilidad ng extension umano ng umiiral na lockdown.
Sinabi ng Kalihim na ang kailangan lang gawin sa ngayon ay mahigpit na sundin ng publiko ang tagubilin ng mga otoridad na manatili lang sa bahay upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nakadepende aniya ang itatagal ng Lockdown kung patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19 na naisasailalim sa testing.
Gayunman, sinabi ni Año na dahil sa pakikipagtulungan ng lahat, naniniwala siyang kakayanin nang i-lift ng gobyerno ang lockdown na mas maaga sa itinakdang petsa na April 14.