Pag-aaralan ni Senator Risa Hontiveros ang pag-amyenda sa administrative code upang matigil na ang nakagawiang paglalaan ng confidential at intelligence funds sa civilian agencies.
Iginiit ni Hontiveros na ang nasabing ‘practice’ ay pamana ng batas militar at diktaturya at ngayon ito ay nakadikit na sa ating administrative code.
Isa aniya ang amyenda sa administrative code sa nakikitang paraan para tuluyang mareporma ang alokasyon sa pambansang pondo.
Tinukoy ni Hontiveros na hindi ito “healthy habit” na namuo sa gobyerno sa nakalipas na mga dekada.
Mas mainam aniya kung ang confidential at intel funds ay ililipat sa mga programa na tinukoy ng General Appropriations Bill (GAB).
Inihalimbawa ng senadora ang P120 million na confidential fund ng Department of Education (DepEd) na inilipat sa Health Learners Institution Program na aniya’y isang hakbang na para maitama ang direksyon sa paggamit ng government funds.