Ipinasasabatas ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill 1188 o ang pag-amyenda sa Republic Act 7610 o ang Anti-Child Abuse Law.
Naalarma ang senador na bagama’t bumaba ang teenage pregnancy sa bansa, ang bilang naman ng mga nabubuntis na batang 10 hanggang 14 taong gulang ay tumataas at ang edad ng mga nakabuntis sa mga kabataan ay naitala sa edad na 21 pataas.
Layon ng panukalang batas na inihain ni Go na amyendahan ang isang section patungkol sa pagpapataw ng parusa sa mga mang-aabuso sa kabataan.
Duda ang senador na may pang-aabusong nangyari sa mga kabataang nabubuntis dahil ang karelasyon o nakabuntis ay malayo ang agwat ng edad sa kanila.
Sa isinusulong na amyenda sa batas, mula sa kasalukuyang 14 hanggang 17 taong pagkakabilanggo ay itataas ang parusa sa reclusion perpetua o 20 taon hanggang 40 taong pagkakakulong para sa mga mapapatunayang nang abuso sa mga kabataang edad 12 anyos pababa.
Umapela rin si Go sa pamahalaan na mas palakasin pa ang government intervention o mga hakbang laban sa tumataas na kaso ng teenage pregnancy.
Nanawagan ang mambabatas sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na manghimasok at maglatag ng mga hakbang para labanan ang mga pang-aabusong ginagawa sa mga menor de edad.