Iginiit ni Senator Christopher Bong Go ang kahalagahan na maamyendahan ang National Building Code para matiyak ang katatagan ng mga gusali sa oras ng kalamidad tulad ng lindol.
Ipinaliwanag ni Bong Go na panahon na para amyendahan ang National Building Code na sinimulang ipatupad noong 1977 kaya masyado na itong matagal at marami na ang nakakalusot.
Diin ni Bong Go, kailangang i-akma ang batas sa kasalukuyang panahon kung saan mas marami at matindi ang nararanasang mga kalamidad tulad ng lindol at mga bagyo.
Bukod dito ay muling isinulong ni Senator Go ang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience na tututok sa paghahanda at pagtugon kapag may nangyaring kalamidad sa bansa.
Nakapaloob sa Senate Bill 205 o Disaster Resilience Act na inihain ni Bong Go na dapat magkaroon ng departamento na mangunguna at magpapatupad ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya na may tungkulin kaugnay sa kalamidad at iba pang uri ng sakuna.