
Pinag-aaralan na ng Malacañang ang posibilidad na pag-amyenda sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund (CFITF) Act para sa pagpapaunlad sa industriya ng pagniniyog.
Ito’y sa gitna ng target ng pamahalaan na makuha muli ng Pilipinas ang unang pwesto sa pag-import ng niyog sa buong mundo na kasalukuyang hawak ngayon ng Indonesia.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, habang hinihintay na maisabatas ang panukala, patuloy aniya ang pagtalakay sa paggamit ng coco levy fund para sa pangangailangan ng mga magsasakang nagtatanim ng niyog.
Target din aniya ng administrasyon na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog hanggang 2028 para mapalakas ang export at kita ng bansa sa coconut industry.
Kaugnay nito inatasan ng pangulo ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine Coconut Authority (PCA) na palawakin ang seed farms, nurseries, at distribusyon ng hybrid na niyog para maabot ang naturang target.
Pinasusuri rin ng pangulo ang mga produktong maaaring malikha mula sa niyog at bantayan ang maayos na implementasyon ng Revised Coconut Farmers and Industry Development Plan.









