Isinulong ni Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang pag-amyenda sa 1987 Philippine Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con.
Nakapaloob ito sa House Joint Resolution 12, na inihain ni Rodriguuez na layuning amyendahan ang ilan sa economic provision ng Saligang Batas upang mai-ayon sa ating mga polisiya at mga pagbabago at maging globally competitive.
Binanggit ni Rodriguez na maari ding isama rito ang mga political amendment.
Base sa resolusyon, gagawin ang pagboto para sa Con-Con delegates mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa huling Lunes ng October 2023, kasabay ng Baranggay Elections at Sangguniang Kabataan elections.
Nakasaad sa resolusyon na magco-convene ang mga mahahalal na delegado ng ConCon sa isang session sa January 8, 2024, alas-10:00 ng umaga sa pangunguna ng Senate President at House Speaker.