Pag-aaralan ng legal ng Kamara ang pagamyenda sa existing franchise ng ibang mga broadcast stations matapos na makwestyon ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang isang probisyon sa House Bill 6732 na naggagawad sa ABS-CBN ng provisional franchise hanggang October 31, 2020.
Ayon kay Rodriguez, nakasaad sa isa sa mga probisyon ng panukala ang pag-o-obliga sa ABS-CBN na maglaan ng 10% na libreng public service time para sa gobyerno na katumbas ng mga paid commercials o advertisements.
Magiging paglabag aniya ito sa konstitusyon partikular sa ‘equal protection of the laws’ dahil ang nasabing probisyon ay hindi naman makikita sa mga naunang inaprubahang prangkisa sa mga telebisyon at radyo sa bansa gayundin sa iginawad na franchise sa ABS-CBN noong 1995.
Dahil dito, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na mas makabubuting amyendahan ang mga existing franchise ng mga broadcast companies sa halip na baguhin ang probisyong nakalagay sa provisional franchise ng ABS-CBN.
Katwiran ng Speaker, ito ay para maging pantay na ang lahat sa pagbibigay ng 10% free public service time na tiyak na mas pabor para sa gobyerno lalo pa at free-airwaves naman ang binibigay sa mga networks.
Mainam din aniya na ilatag ang probisyon na ito sa mga similarly situated networks tulad ng ABS-CBN, GMA 7 at TV5.
Dagdag pa ni Cayetano, kung noon pa nagawa ito ay tiyak na matagal nang nakapaghanda ang pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic dahil sa lawak ng maaaring maabot gamit ang serbisyo ng mga broadcasting stations.