Manila, Philippines – Inirekomenda ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang pagsusuot ng half-face helmet sa mga motoristang gumagamit ng mas maliliit na motorsiklo.
Ayon kay S/Inps. Jem Delantes, tagapagsalita ng PNP-HPG, ito ay kabilang sa mas pinaigting na kampanya nila laban sa mga riding-in-tandem, lalo’t “hands off” na ang PNP sa war on drugs.
Aniya, nahihirapan kasi silang matukoy ang mga salarin dahil nakasuot ng helmet at bonnet ang karamihan.
Sa kanilang rekomendasyon, tanging mga motoristang gumagamit ng motorsiklong mas mataas sa 400cc lang ang puwedeng magsuot ng full-face helmet.
Pero ayon sa Motorcycle Philippines Federation, hindi tamang isakripisyo ang kaligtasan ng mga motorista para sa seguridad.
Kinuwestiyon din nila ang posibilidad na baka malalaking motorsiklo na ang gamitin ng mga kriminal.