Manila, Philippines – Pinakikilos ni National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon ang Kamara na ipasa ang panukala sa pag-amyenda sa Human Security Act.
Ayon kay Biazon, kailangan na maamyendahan ang Human Security Act para maparusahan hindi lamang ang mga sangkot sa terrorist acts kundi ang mga nasa likod ng pagpaplano at sumusuporta sa mga terorista.
Dapat aniyang matiyak na mapapanagot sa batas hindi lamang ang mga may gawa ng pagsabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu kundi pati na rin ang mga nagplano nito.
Nanawagan naman si CIBAC Partylist Representative Sherwin Tugna sa buong bansa na maging vigilante kasunod ng Jolo bombing.
Ayon kay Tugna, ngayon kailangan na maging alerto ang bawat isa hindi lamang sa mga taga Mindanao kundi sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas.
Dapat aniyang matiyak na nakabantay ang bawat isa dahil tiyak na gagawa ng paraan ang mga masasama na pigilan ang kapayapaan sa Mindanao.