Pag-amyenda sa Human Security Act, itinutulak ng ilang mambabatas

Manila, Philippines – Pinangangambahan na isang umuusbong na bagong mukha ng kaguluhan sa bansa ang suicide bombing.

Ito ay kasunod na rin ng pinaghihinalaang suicide bombing incident malapit sa army command post sa Sulu nitong Biyernes.

Dahil dito, hinikayat ni PBA Party-list Representative Jericho Nograles na isama sa prayoridad ng 18th Congress ang pag-amyenda sa Human Security Act of 2007.


Hindi aniya magagawa ng AFP at PNP na protektahan ang publiko dahil sa ilang mga kakulangan at limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng batas.

Inihalimbawa ng kongresista ang kawalan ng probisyon para sa cyber-terrorism pero may ipinapataw naman na multa laban sa mga law enforcers na aaresto sa isang cyber-terrorist.

Kinalampag din ng mambabatas ang Anti-Terrorism Council na i-review ang umiiral na protocols para madepensahan ang bansa laban sa mga terorista.

Dagdag pa ni Nograles, nagiging pugad na ng mga dayuhang terorista ang bansa tulad ng nangyaring pagsabog sa Mt. Carmel Cathedral nitong taon na ikinasawi ng 23 katao.

Aniya pa, nakakapasok sa bansa ang mga foreign terrorist sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang religious o tourist visitors.

Facebook Comments