
Ikinokonsidera ni Manila Mayor Isko Moreno na ma-amiyendahan ang ordinansa hinggil sa hindi wastong pagtatapon ng basura.
Ito’y upang mapatawan ng mas mataas na multa at mabigat na parusa ang mga magtatapon ng basura ng hindi tama.
Base sa kasalukuyang umiiral na Ordinance No.8371 na kilala bilang Environmental Code of the City of Manila, papatawan lamang ng multang P600 hanggang P2,000 ang mahuhuli o pagkakabilanggo ng isang araw na hindi hihigit sa 15-araw kapag paulit-ulit na nahuhuli.
Naipasa ang naturang ordinansa na nagbabawal magtapon ng basura sa mga daan, katubigan at iba pang pampublikong lugar noong Nobyembre 18, 2014 sa ilalim pa ng pamumuno bilang alkalde ng dating Pangulong Joseph Estrada habang piinangunahan ni Mayor Isko Moreno na noon ay bise alkalde at presiding officer ng Sangguniang Panlungsod ang pagpapasa rito.
Inihayag ng alkalde ang posibilidad na pag-amiyenda sa ordinansa matapos lumubog sa baha ang maraming lansangan sa Maynila dahil sa bagyo at habagat.
Matatandaan na pinangunahan pa ng alkalde ang pagbubukas ng mga drainage sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kaya’t nasaksihan niya ang baradong kanal na tambak ng pinaghalo-halong basura, burak, buhangin, at natuyong semento.









