Pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, iminungkahi ng isang kongresista para maibalik ang kapangyarihan ng NFA

Iminungkahi ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara sa Department of Agriculture o DA na isama sa kanilang legislative agenda ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.

Layunin ng suhestyon ni Vergara na maibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na natanggal kasabay ng pagkakasabatas sa Rice Tariffication Law.

Tinukoy ni Vergara ang kakayahan at kapangyarihan ng NFA na i-regulate o patatagin ang presyuhan ng bigas gayundin ang dating papel nito bilang taga-import ng bigas ng bansa.


Ang tanging papel na lang sa ngayon ng NFA ay tiyaking may buffer stock ng bigas na magagamit kapag mayroong kalamidad.

Ang naturang suhestyon ay inihayag ni Vergara sa pagbusisi ng Committee on Appropriations sa P167.5 billion na panukalang pondo sa 2024 para sa DA.

Facebook Comments