Inihain ni Senator Francis Tolentino ang isang resolusyon na layong amyendahan ang rules ng Senado upang pahintulutan ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Matatandaang pinuna ni Senator Chiz Escudero ang kawalan ng guidelines ng Senado sa pag-amyenda ng Saligang Batas hindi tulad sa Kamara na may itinatakdang rules para rito.
Sa inihaing Senate Resolution 941 ni Tolentino ay isinusulong na sundin ang proseso ng Constitutional amendments na iminungkahi ni Father Joaquin Bernas na miyembro ng 1986 Constitutional Commission.
Maaaring magkasanib o magkahiwalay ang sesyon ng Senado at Kamara para sa charter change.
Kapag magkahiwalay ang sesyon, mangangailangan ng 3/4 na boto mula sa dalawang kapulungan at kapag nag-iba ang bersyon ng inaprubahang Cha-cha ay saka dadalhin ang panukala sa Bicameral Conference Committee.
Magiging valid naman ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon kapag niratipikahan ito ng publiko sa isang plebesito.
Ngayong hapon ay tatalakayin na ng Committee on Rules ang resolusyon na ito.