Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay, 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na payagang mag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng higit pang refined sugar ang mga kompanyang gumagawa ng matamis na inumin.
Ayon kay Salceda, mula sa nararapat na 21-araw, sa ngayon ay hanggang apat na araw na lamang aabot ang imbentaryo ng asukal ng industrial beverage makers.
Sabi ni Salceda, tiyak maaapektuhan ang kanilang operasyon kapag hindi nila nakamit ang kailangang asukal mula sa 150,000 metriko tonelada na sugar import order ng Sugar Regulatory Administration o SRA.
Babala ni Salceda, kapag nangyari ito ay aabot sa 2.5 billion pesos, ang posibleng mawala sa koleksyon ng gobyerno kada buwan mula sa buwis na ipinapataw sa sweetened beverage o matamis na mga inumin sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.