
Nagpatupad na ang Department of Agriculture o DA ng temporary ban sa pork meat, pig skin at iba pang produkto ng baboy na galing sa bansang Taiwan dahil sa African Swine Fever (ASF) outbreak.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang hakbang ng DA ay para maprotektahan ang multibillion-peso hog industry ng bansa mula sa nakamamatay na sakit ng baboy.
Sakop ng order na import ban sa mga buhay na baboy at lahat ng pork-derived commodities pati na ang semen o semilya na ginagamit para sa artificial insemination.
Sa ilalim din ng DA order, lahat ng aprubadong Sanitary at Phytosanitary Import Clearances para sa pigs at pork-related products mula sa Taiwan ay otomatiko nang kanselado.
Ang mga aplikasyon ng bagong import clearances para sa mga apektadong items ay suspendido hanggang mayroong bagong direktiba.
Inatasan na rin ng DA ang lahat ng veterinary quarantine officers sa lahat ng port sa bansa na harangin at kumpiskahin ang mga shipment na naglalaman ng restricted commodities.








