Pansamantalang ipinagbawal ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pagpasok ng mga pork product mula sa Vietnam.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Piñol na ito ay makaraang magpositibo sa African swine fever (ASF) ang mga naturang produkto mula sa Vietnam.
Ayon sa kalihim, inirekomenda ang temporary ban ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Dr. Ronnie Domingo kasunod ng mga ulat sa Taiwan.
Giit ni Piñol, isa ang Pilipinas sa mga piling bansa sa mundo na ligtas mula sa livestock diseases kabilang na ang foot and mouth disease.
Sa ngayon, ang Vietnam ang pinakabago sa listahan ng mga bansang hindi maaaring makapag-import ng pork at pork products sa Pilipinas dahil sa ASF.
Una nang nagpalabas ang DA ng pork importation ban sa mga bansang apektado ng ASF.
Kasama rito ang Japan, China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa at Zambia.