Naglabas ang Department of Agriculture (DA) ng temporary ban sa pag-aangkat ng poultry products mula Russia.
Ito ay matapos maitala ang unang kaso ng human transmission ng H5N8 strain ng avian flu sa mundo.
Sa Memorandum Order No. 17 na nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar, ang pag-aangkat ng domestic at wild birds at mga poultry products mula Russian Federation ay ihihinto muna.
Sakop nito ang poultry meat, day-old na sisiw, itlog at semilya.
Ang pagpoproseso, evaluation sa application at pag-iisyu ng Sanitary at Phytosanitary import clearance ay suspendido muna.
Iginiit ni Dar na kailangang ipatupad ang ban para maprotektahan ang local poultry population.
Sa ulat ng World Organization for Animal Health (OIE), nagpapatuloy ang outbreak ng Highly Pathogenic Avian Influenza sa ilang lugar sa Russia.