Ikina-alarma ng isang security expert ang tumitinding aktibidad ng China sa West Philippine Sea sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng inilabas na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan mahigit 200 Chinese maritime militia vessels ang namataang naka-angkla sa Julian Felipe Reef na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Prof. Rommel Banlaoi, direktor ng Center for Intelligence and National Security Studies, ang pag-angkla ng ganitong karaming barko sa bahura ay indikasyon ng “excessive, unregulated, unreported at illegal fisihing activities.”
Aniya, bukod sa enviromental stress at pagkasira ng mga coral reefs, ang aktibidad na ito ng china ay hindi magandang senyales sa gitna ng pagsusulong Pilipinas sa karapatan nito sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
“Hindi magandang senyales yan para sa pagsusulong natin ng ating karapatan dyan sa area na yan at hindi rin maganda para sa China na gawin yan dahil tayo ay nakikipagkaibigan,” ani Banlaoi sa interview ng RMN Manila.
“Kung totoong Chinese lahat yan ay dapat talaga na iparating natin sa China yung ating pagkabahala, pangamba at sama ng damdamin dahil napaka-excessive naman talaga ng ganyang activities,” dagdag niya.
Para kay Banlaoi, mapipigilan sana ang pagdating ng mga barko sa Julian Felipe Reef kung nababantayan ito nang mabuti.
Gayunman, aminado siya na limitado ang patrol activities ng bansa sa lugar.
Samantala, naghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa panibagong aktibidad ng China habang nakipag-ugnayan na rin si Banlaoi sa Chinese Embassy.
Ayon kay Banlaoi, kung hindi makikinig ang China, may opsyon ang Pilipinas na lapitan ang Estados Unidos ukol dito.
“Kailangan natin na mahingan ng paliwanag talaga, para ma-clarify kung ano ba talaga yung nature nung mga vessel, kung ito ba ay awtorisado ng China at ano ang ginagawa ng China para mapigilan yung ganong activities,” aniya pa.
“Kung hindi tayo papakinggan ng China ay may opsyon din naman tayo na lapitan ang Estados Unidos. Pero alam naman natin na ang Estados Unidos ay mayroong performance deficit sa area na yan di ba, kasi ang US, di naman niya napigilan ang China na i-ocupy yung Scarborough Shoal, yung pagtatayo ng artificial island sa 7 geographic features na maliwanag na nakapaloob sa ating exclusive economic zone.”