Patuloy ang pag-apaw ng volcanic liquids sa main crater sa lawa ng Taal Volcano sa Batangas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), anim na volcanic tremors din ang na-record sa nakalipas na 24 oras na tumagal ng tatlo hanggang pitong minuto.
Umabot naman sa 3,000 metro ang taas ng inilabas nitong Plume na patungong hilaga, hilagang-silangan at timog-kanluran.
Nagbuga rin ang bulkan ng 13,572 toneladang sulfur dioxide at volcanic smog o vog.
Nauna nang sinabi ng PHIVOLCS na ang vog ay binubuo ng droplets na mayroong volcanic gas kagaya ng sulfur dioxide na acidic at nagdudulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract na nakadepende sa gas concentrations at exposure.
Nagpaalala naman ang PHIVOLCS sa publiko na ang Taal Volcano Island ay isang permanent danger zone at ipinagbabawal na lumapit dito, lalo na sa main crater at sa Daang Kastila fissures.
Hindi rin pinapayagan na manirahan malapit dito at ang pamamangka.
Bawal pa rin ang pagpapalipad ng aircraft malapit sa bulkan dahil sa panganib nito.
Sa ngayon, nanatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano.