Malugod na tinatanggap ng Department of Science and Technology (DOST) ang desisyon ng US-based drug maker na Moderna na mag-apply para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Nabatid na naghain ang Moderna ng kanilang EUA application sa Food and Drug Administration (FDA) kahapon.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, kapag mas maraming brand ang nabigyan ng EUA ng FDA, nangangahulugan lamang ito na mas maraming mapagpipilian at mas malaki ang tiyansa ng magkaroon ng vaccine availability.
Sa datos ng Department of Health (DOH), ang Moderna vaccine ay gumagamit ng mRNA technology platform, at mayroon itong 94.1% efficacy rate laban sa symptomatic COVID-19, at 100% laban sa severe COVID-19.
Sinabi naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na nakabili na ang pamahalaan ng 13 million doses ng Moderna habang ang pribadong sektor ay um-order ng 7 million doses.
Ang supply agreements ay nilagdaan para sa May delivery, habang nasa ilalim ng negosasyon ang karagdagang 5 million doses.
Una nang sinabi ng FDA na hindi sila mahihirapan sa pag-evaluate ng application ng Moderna dahil mayroon na itong EUA mula sa iba pang regulatory authorities.