Pag-apruba ng DOE sa Chevron-Udenna Malampaya deal, depektibo

Nanindigan si Senador Sherwin “Win” Gatchalian na base sa mga ebidensyang nakalap ng Senado, depektibo at hindi wasto ang ginawang pag-apruba ng Department of Energy (DOE) sa pagbenta ng 45% stake ng Chevron Malampaya sa Malampaya gas project sa Udenna group ni Dennis Uy.

Pahayag ito ni Gatchalain, matapos mabatid mula kay Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi kailangan ng bendisyon ng gobyerno ang paglipat ng shares ng Chevron sa UC Malampaya Philippines Pte Ltd. na pag-aari ng Udenna matapos itong isailalim sa pagsusuri base sa tinatawag nilang farm-in arrangement.

Giit ni Gatchalian, ang transaksyon ay kailangang aprubahan ng gobyerno batay sa prosesong nakalatag sa Presidential Decree 87 at Department Circular 2007.


Ayon kay Gatchalian ang DOE Department Circular ay naglalaman ng mga panuntunan at paraan na dapat sundin sa paglilipat ng rights and obligations sa mga petroleum service contracts na nakapaloob sa ilalim ng Presidential Decree 87.

Diin ni Gatchalian, hindi isang ordinaryong asset ang Malampaya kaya kailangang siguraduhin na anomang transaksyon na may kinalaman dito ay dumaan sa masusing pagsusuri at due diligence ng gobyerno.

Sabi ni Gatchalian, ito ay upang magarantiya na sinumang papalit na kompanya ay talagang kwalipikado at may kakayahang magsuplay ng kuryente.

Facebook Comments