Pinamamadali ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa Food and Drug Administration (FDA) na bilisan ang pag-apruba sa Emergency Use Authorization (EUA) ng retroviral para sa COVID-19.
Sinabi ng kongresista na nais ng mga economic manager na itratong “endemic” o parang normal na sakit mula sa pandemic ang COVID-19.
Pero mangyayari lamang aniya ito kung ang mga retroviral na gamot gaya ng Molnupiravir at iba pa ay madaling mabibili.
Naniniwala ang mambabatas na ang pagbabalik sa normal ng ekonomiya ay mangyayari lamang kung ang COVID-19 ay magiging parang simpleng sakit na lang na malulunasan sa pamamagitan ng mga murang gamot.
Ang apela ng kongresista, madaliin ang EUA ng mga retroviral ay kasunod na rin ng pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa 89 na ospital ang gumagamit ng Molnupiravir at naging maganda ang resulta nito.