Nanindigan ang Makabayan Bloc sa pagtutol sa pag-apruba kanina ng House Committee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses No. 2 o ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ang anim na kongresista ng Makabayan ay bumoto ng “No” sa economic Charter Change (Cha-Cha).
Naniniwala ang mga kongresista na hindi rin napapanahon ang pagsusulong ng Cha-Cha ngayong may pandemya at hindi pa matatag ang ekonomiya.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, ang tuluyang pagbubukas ng bansa at ekonomiya ay maglalagay lamang sa ating national patrimony sa kontrol ng mga dayuhan.
Nagbabala naman si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na sa pag-liberalize ng kalakalan at pamumuhunan sa bansa ay tiyak na maglalaho ang mga local businesses dahil sa pagpasok ng mga dayuhang kompanya at magreresulta ito sa hindi patas na kompetisyon sa presyuhan ng mga produkto at serbisyo.
Sinabi naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi masaya ang Constitution Day ng Pilipinas ngayong araw dahil sa pag-apruba sa RBH No. 2.
Punto ng kongresista, kung pagbubukas lang naman ng ekonomiya ang gustong amyendahan ng Kongreso ay nakapagpasa na sila ng mga panukala na magbibigay kaluwagan at papabor sa foreign investment.
Para naman kay Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, ang Cha-Cha ng administrasyon ay magbibigay-daan lamang sa mas matinding pagkaubos ng likas na yaman ng Pilipinas at magbubukas lamang ito ng puwang para sa amyenda sa mga politikal na probisyon gaya ng term limits at pagpapaliban ng eleksyon.