Para kina Senator Koko Pimentel at Ronald “Bato” dela Rosa, hindi dapat madaliin ng Kongreso ang pag-apruba sa mga panukalang batas ukol sa pagbibigay ng prangkisa sa operators ng online sabong o E-sabong.
Giit ni Pimentel, kailangang magkaroon ng sapat na panahon ang mga mambabatas para pag-aralan ang mabuti at masamang dulot ng operasyon ng E-sabong.
Ngayon pa lang ay inihayag na ni Pimentel ang pagboto ng “No” o kontra sa franchise bills para sa E-sabong.
Mungkahi naman ni Senator Dela Rosa, ipaubaya na lamang sa kasunod na Kongreso ang pagpapasya kung bibigyan o hindi ng legislative franchise ang mga nag- o-operate ng online sabong o E-sabong.
Katwiran ni Dela Rosa, hindi dapat madaliin ang mga franchise bill dahil marami ritong isyu at kwestyon.
Sa Senado ay inendorso na sa plenaryo ng committee on public services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ang panukalang batas na mabigyan ng 25 taong prangkisa ang Lucky 8 Star Quest na nagmamay-ari ng tatlong sabungan sa Maynila, Laguna at Batangas.